Iniutos na huwag mag-imbot
Hindi ninyo dapat kainggitan ang bahay ng iyong kapwa; hindi ninyo dapat kainggitan ang asawa ng iyong kapwa, ang kaniyang lingkod na lalaki, ang kaniyang lingkod na babae, ang kaniyang baka, kaniyang asno o anumang bagay na pag-aari ng kapwa mo.” (Exodo 20:17)
Huwag ninyong pagnasaan ang asawa ng inyong kapit-bahay, huwag ninyong pagnasaan ang bahay ng inyong kapit-bahay, kaniyang bukid, o kaniyang lalaking tagapaglingkod, o kaniyang babaeng tagapaglingkod, kaniyang baka, o kaniyang asno, o anumang bagay na pag-aari ng inyong kapit-bahay.' (Deuteronomio 5:21)
Susunugin ninyo ang mga inukit na hugis ng kanilang diyos; huwag ninyong naisin ang pilak o ginto na nakabalot dito na gusto ninyong makuha para sa inyong sarili, at mabibitag kayo sa pamamagitan nito; dahil kamuhi-muhi ito kay Yahweh na inyong Diyos. (Deuteronomio 7:25)
Parusang ibinabala dahil sa pag-iimbot
Pero para sa inyo, mag-ingat kayo tungkol sa mga bagay na itinakda para wasakin, kaya pagkatapos ninyo silang tandaan para wasakin huwag ninyong kunin ang kahit ano sa mga iyon. Kung gagawin ninyo ito, gagawin ninyong isang bagay na dapat wasakin ang kampo ng Israel at magdadala kayo ng kaguluhan dito. (Joshua 6:18)
Aba sa mga nagbabalak ng kasamaan, sa mga nagbabalak sa kanilang higaan na gumawa ng masama. Isinasagawa nila ito sa pagliwanag ng umaga dahil mayroon silang kapangyarihan. Naghahangad sila ng mga bukid at inaangkin ang mga ito; naghahangad sila ng mga bahay at kinukuha ang mga ito. Inaapi nila ang isang tao at ang kaniyang sambahayan, ang tao at ang kaniyang mana. Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh: “Tingnan ninyo, magdadala ako ng sakuna laban sa angkan na ito, kung saan hindi ninyo maiaalis ang inyong mga leeg. Hindi kayo makakalakad nang may kayabangan, sapagkat magiging isang panahon ito ng kasamaan. (Mikas 2:1-3)
Halimbawa ng parusa dahil sa pag-iimbot
Nagkasala ang Israel. Nilabag nila ang aking tipan na aking iniutos sa kanila. Ninakaw nila ang ilan sa mga bagay na inilaan. Ninakaw nila at pagkatapos itinago rin nila ang kanilang kasalanan sa pamamagitan ng paglalagay kung ano ang kanilang kinuha sa kanilang sariling mga pag-aari. Bilang bunga, hindi nakatayo ang bayan ng Israel sa harap ng kanilang mga kaaway. Tinalikuran nila ang kanilang mga kaaway dahil sila mismo sa kanilang sarili ay inilaan para sa pagkawasak. Hindi na ako sasama sa inyo kahit kailan maliban kung wawasakin ninyo ang mga bagay na dapat wasakin, pero nasa inyo pa rin. Bumangon ka! Ilaan ang bayan sa akin at sabihin sa kanila, 'Ilaan ninyo ang inyong mga sarili kay Yahweh para bukas. Dahil si Yahweh, ang Diyos ng Israel ay sinasabi, “Mayroong mga bagay na inilan para wasakin na nananatili sa inyo, Israel. Hindi kayo makakatayo laban sa inyong mga kaaway hanggang tanggalin ninyo mula sa inyo ang lahat ng bagay na ibinukod para wasakin.” Sa umaga, dapat ninyong ipakita ang inyong sarili sa pamamagitan ng inyong mga lipi. Ang lipi na pinili ni Yahweh ay manggagaling malapit sa kanilang mga angkan. Dapat lumapit ang angkan na pinili ni Yahweh sa bawat sambahayan. Dapat lumapit ang sambahayan na pinili ni Yahweh. Mangyayari ito na ang isang taong nahuli at kung sino ang may mga bagay na ibinukod para sa pagkawasak, susunugin siya, siya at lahat ng mayroon siya, dahil winasak niya ang tipan ni Yahweh at dahil nakagawa siya ng isang kahiya-hiyang bagay sa Israel.”' Kaya, bumangon ng maaga kinaumagahan si Josue at inilapit ang Israel, lipi sa lipi, at ang lipi ni Juda ang napili. Inilapit niya ang mga angkan ni Juda, at ang angkan ng Zerahita ang napili. Inilapit niya ang angkan ng mga Zerahita tao sa tao, at si Zabdi ang napili. Inilapit niya ang kaniyang sambahayan, tao sa tao, at si Achan na anak na lalaki ni Carmi na anak na lalaki ni Zabdi na anak na lalaki ni Zerah, ang napili mula sa lipi ni Juda. Pagkatapos sinabi ni Josue kay Achan, “Aking anak, sabihin mo ang katotohanan sa harap ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, at ibigay mo ang iyong pagtatapat sa kaniya. Pakiusap sabihin mo sa akin kung ano ang iyong nagawa. Huwag mo itong itago sa akin.” Sumagot si Achan kay Josue, “Tunay nga, nagkasala ako laban kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ganito ang aking ginawa: Nang nakita ko sa mga manloloob ang isang magandang balabal mula sa Babylon, dalawan-daang sekel ng pilak, at isang bar ng ginto na nagtitimbang ng limampung sekel, aking ninais at kinuha ko ang mga ito. Nakatago sila sa ilalim ng lupa sa gitna ng aking tolda, at ang pilak ay nasa ilalim nito.” Nagpadala si Josue ng mga mensahero, na siyang pumunta sa tolda at naroon ang mga bagay. Nang tiningnan nila, natagpuan nila ang mga ito na nakatago sa kaniyang sariling tolda, at ang mga pilak na nasa ilalim ng mga ito. Kinuha nila ang mga bagay mula sa gitna ng tolda at dinala nila ang mga ito kay Josue at sa lahat ng bayan ng Israel. Ibinuhos nila ang mga ito sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos kinuha ni Josue, at buong Israel na kasama niya, si Achan na anak na lalaki ni Zerah, at ang pilak, ang balabal, ang bar ng ginto, kaniyang mga anak na lalaki at babae, kaniyang mga baka, kaniyang mga asno, kaniyang tupa, kaniyang tolda, at lahat ng mayroon siya, at dinala nila sila sa lambak ng Achor. Pagkatapos sinabi ni Josue, “Bakit mo kami ginulo? Guguluhin ka ni Yahweh sa araw na ito.” Binato siya ng buong Israel. At sinunog nila silang lahat, at binato nila sila. (Joshua 7:11-25)
Mga halimbawa ng pag-iimbot na ibinigay upang turuan tayo
Ngayon ang mga bagay na ito ay mga halimbawa para sa atin, upang tayo ay hindi manabik sa mga masasamang bagay na gaya ng kanilang ginawa. (1 Corinto 10:6)
Ang mga mapag-imbot ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos
Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya—wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9-10)
Ang taong mapag-imbot ay isang mananamba sa diyus-diyosan
Ang sekswal na imoralidad o ano mang karumihan o mapag-imbot na kaisipan ay hindi dapat nababanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga mananampalataya. (Mga Taga-Efeso 5:3)
Sapagkat matitiyak ninyo na walang nakikiapid, marumi, o sakim na tao, na sumasamba sa diyus-diyosan ang magkaroon ng kahit na anong mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios. (Mga Taga-Efeso 5:5)
Huwag makisama sa mananampalatayang mapag-imbot
Sumulat ako sa inyo sa aking liham upang kayo ay huwag makisama sa mga taong mahahalay. Hindi ko ibig sabihin na sa mga imoral na tao sa mundong ito, o sa mga sakim, o sa mga mandaraya, o sa mga taong sumasamba sa diyus-diyosan, sapagkat sa paglayo mula sa kanila ay kakailanganin ninyong umalis sa mundo. Ngunit ngayon sumusulat ako sa inyo upang huwag kayong makisama sa sinumang tinawag na kapatid kay Cristo ngunit siya ay namumuhay sa sekswal na imoralidad, o sakim, o sumasamba sa mga diyus-diyosan, o mapang-abuso sa pananalita, o lasinggero, o mandaraya. Ni makikisalo sa pagkain sa ganiyang tao. (1 Corinto 5:9-11)
Halimbawa ng maka-Diyos na taong hindi nag-imbot
Hindi ko pinagnasahan ang pilak, ginto o damit ng ibang tao. (Mga Gawa 20:33)
Kayang kontrolin ng Diyos ang pag-iimbot
Dapat haharap sa akin ang lahat ng inyong lalaki, si Yahweh na Diyos ng Israel, tatlong beses sa bawat taon. Dahil palalayasin ko ang mga bansa sa harap ninyo at palalawakin ang inyong hangganan. Walang sinumang maghahangad na sakupin ang inyong lupain at kukuha nito kapag kayo ay haharap sa akin, Yahweh, ang inyong Diyos, tatlong beses sa bawat taon. (Exodo 34:23-24)
Ang pag-iimbot bilang paglalarawan ng gawain ng kautusan
Kaya ano ang sasabihin natin? Ang kautusan ba mismo ay kasalanan? Huwag nawa itong mangyari. Gayunpaman, hindi ko sana malalaman ang kasalanan, kung hindi dahil sa kautusan. Sapagkat hindi ko sana malalaman ang tungkol sa kasakiman kung hindi sinabi ng kautusan na, “Huwag kang maging sakim”. Ngunit kinuha ng kasalanan ang pagkakataon sa pamamagitan ng kautusan at nagdala sa akin ng bawat masamang pagnanasa. Sapagkat kung walang kautusan, patay ang kasalanan. (Mga Taga-Roma 7:7-8)